Hindi sumipot sa isinagawang hearing ng LTO nitong May 6 si Alyanna Mari Aguinaldo o mas kilala bilang Yanna Motovlog.
Kaugnay ito sa kanyang kinakaharap na road rage incident sa Zambales na kinasangkutan ni Yanna at ng isang pickup driver na si Jimmy Pascua, matapos umanong murahin at ipakita ng vlogger ang isang bastos na gesture sa kalsada.
Mabilis na kumalat ang video ng kanilang komprontasyon sa kalsada, kung saan pinanigan ng marami si Jimmy, habang binatikos naman si Yanna dahil sa inasal nito sa kalsada.
Yanna Motovlog, No Show sa Hearing ng LTO
Nakarating naman sa LTO ang insidente kung saan naglabas ng show-cause order ang ahensya at pinatawag si Yanna upang magpaliwanag.
Subalit sa araw ng hearing, tanging ang kanyang abogado lamang ang dumalo sa halip na siya mismo.
Jimmy Pascua, Itutuloy ang Kaso Laban kay Yanna
Dumalo naman si Jimmy Pascua sa pagdinig, kung saan inihayag niyang hindi siya kumbinsido sa public apology na ipinadala ni Yanna.
Ayon pa kay Jimmy, sinabihan din niya si Yanna na burahin ang video nito, lalo pa’t hindi man lang naka-blur ang mukha niya, pero hindi raw nito agad ginawa.
Iginiit naman ni Jimmy na itutuloy niya ang reklamo laban kay Yanna.
Pahayag ni Jimmy, “Hindi naman sincere yung pag-sorry nila kaya itutuloy ko ang kaso. Ok lang sana kung hindi nakuha ang mukha ko sa video.”
Ayon naman kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, binigyan si Yanna ng palugit hanggang May 8 upang isuko ang kanyang suspendidong lisensya at iprisinta ang motorsiklong ginamit niya sa insidente para sa inspeksyon.
Samantala sa gitna ng isyu, sinabi ng matalik na kaibigan ni Yanna sa isang Facebook post na kasalukuyan itong dumaranas ng matinding anxiety at depression, dahilan umano ng hindi niya pagharap.
Ngunit hindi naniniwala ang maraming netizens dahil kung pagbabasehan umano ang latest social media posts ni Yanna makikitang nagta-travel pa ito.