May panawagan si Pastor Apollo Quiboloy na dapat magkaroon ng manual votes recount sa Commission on Elections (Comelec).
Hindi lingid sa marami na pagkatapos ng midterm elections ay nabigong makapasok sa Magic 12 ng mga nanalong senador sa Eleksyon 2025 si Quiboloy.
Ayon sa kanyang kampo, may mga “irregularidad” umano sa bilangan ng boto na dapat imbestigahan.
Sino si Pastor Apollo Carreon Quiboloy?
Si Quiboloy, lider ng Kingdom of Jesus Christ at kilalang tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay kasalukuyang nakakulong dahil sa mga kasong human trafficking at sexual abuse.
Sa kabila nito, pinayagan siyang tumakbo bilang independent candidate matapos ibasura ng Comelec ang mga petisyon para sa kanyang disqualification.
Ngunit kung nanalo ang dating pangulo bilang Mayor ng Davao City, bigo namang manalo si Pastor Quiboloy at mukhang hindi niya ito matanggap.
Sa kasalukuyang talaan ng Comelec, nakakuha si Quiboloy ng humigit-kumulang 5.58 milyong votes, na hindi sapat upang makapasok sa Top 12 na mga nanalong senador.
Pastor Quiboloy, Gusto ng Manual Votes Recount sa Election 2025
Kasunod nito, nanawagan siya nang manual recount sa kadahilanang marami umanong ulat ng “overvoting anomalies, inconsistencies in ballot readings, and other electoral irregularities.”
Saad sa Facebook post ni Atty. Torreon, “With numerous reports of overvoting anomalies, inconsistencies in ballot readings, and other electoral irregularities, Pastor Quiboloy calls for a manual recount of the senatorial votes.”
Nilinaw din ni Atty. Torreon, ang panawagan para sa manual recount ay hindi isang pagtutol sa demokratikong proseso kundi isang hakbang upang palakasin ito.
Aniya, “This is not a rejection of our democratic process, but a call to strengthen it. We remain committed to seeking justice, and we will pursue all legal avenues to ensure the integrity of every vote cast.”
Tugon ng Comelec sa Panawagang Manual Recount ni Pastor Quiboloy
Bilang tugon sa panawagan ni Quiboloy, nilinaw ng Comelec na ang tanging paraan upang maisagawa ang manual recount ay sa pamamagitan ng pagsasampa ng election protest.
Ayon kay Comelec spokesperson Rex Laudiangco, “Payo na lang po namin sa mga parties na nais magkwestiyon: you file an election protest, pumasok po tayo sa proseso.”
Ipinaliwanag ni Laudiangco na ang manual recount ay nangyayari lamang sa dalawang pagkakataon: sa random manual audit (RMA) at kapag may nakabinbing election protest.
Ang RMA para sa Eleksyon 2025 ay kasalukuyang isinasagawa alinsunod sa Republic Act 9369 o ang Election Automation Law.
Dagdag pa ni Laudiangco, ang sinumang nais magsampa ng election protest ay kinakailangang magbigay ng sapat na batayan kung bakit kailangang buksan at muling bilangin ang mga balota.
Kabilang dito ang pagtukoy sa mga “pilot precincts” na maaaring magpatunay ng mga iregularidad sa pagbibilang ng boto.
Kung hindi mapapatunayan ang mga alegasyon sa mga pilot precincts, maaaring ibasura ang election protest.