Nakatanggap ng bala at sulat ang dating aktres na si Angelika dela Cruz kasunod ng kanyang pagtakbo bilang Vice Mayor ng Malabon City.
Si Angelika, kilalang aktres sa GMA Network at dating sikat na personalidad sa showbiz, ay kasalukuyang nanunungkulan bilang Barangay Captain ng Barangay Longos, Malabon.
Matapos ang ilang taon sa serbisyo publiko, nagpahayag siya ng intensyon na tumakbo bilang Vice Mayor ng lungsod ngayong darating na May 12 elections 2025.
Ngunit ilang araw bago ang eleksyon, nakatanggap si Angelika ng isang sulat na naglalaman ng pagbabanta sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya.
Angelika Dela Cruz, nakatanggap ng bala at sulat
Nitong Huwebes, May 8, ipinost ni Angelika ang isang sulat ng pagbabanta na natanggap niya na may kalakip pang tatlong basyo ng bala.
Sa nasabing sulat, mariing pinayuhan si Angelika na iatras ang kanyang kandidatura kung ayaw niyang malagay sa panganib ang kanyang buhay at pamilya.
Ayon sa mensahe: “Anqelika Dela Cruz MAPAGPALANG ARAW SAYO!! UMATRAS KANA SA LABAN NG VICE MAYOR NG MALABON!!! KUNG HINDI ALAM MO ANG KAHIHINATNAN MO AT NG PAMILYA MO!!!”
Sa caption ng kanyang post, hindi napigilan ni Angelika na maglabas ng sama ng loob dahil sa sunod-sunod na paninira at pagbabanta sa kanya.
Aniya, “Siniraan, kinasuhan, ngayon naman tinatakot. Anong kasunod?!! Grabe na, pati family ko dinadamay ninyo.”
Angelika Dela Cruz, humaharap sa patong-patong na kaso
Matatandaang bukod sa banta sa kanyang buhay, nahaharap din si Angelika sa patong-patong na kaso.
Kabilang dito ang mga reklamong may kinalaman sa umano’y maling paggamit ng pondo ng barangay, tulad ng mahigit 60 bilang ng kasong may kaugnayan sa paglustay ng pondo ng bayan, halos 20 kaso ng hindi pagsusumite ng mga financial report, at mga alegasyong illegal na paggastos.
Mayroon ding mahigit 60 bilang ng reklamong may kaugnayan sa umano’y iregular na paggastos at hindi maipaliwanag na pagkawala ng kagamitan ng barangay, na lumalabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa mga reklamo laban sa kanya sa administratibo, lumalabas umano na madalas siyang lumiban sa trabaho nang walang pahintulot at iniuutos ang kanyang mga tungkulin sa kapatid na si Erick dela Cruz, isang barangay kagawad, nang walang legal na awtorisasyon.
Sa kabila ng mga kontrobersiya at banta, nanindigan si Angelika na ipagpatuloy niya ang kanyang para isakatuparan ang layuning magsilbi nang tapat at makapaghatid ng tunay na pagbabago sa kanyang mga kababayan sa Malabon.