Ian Sia, disqualified na sa 2025 elections dahil sa ‘single mom’ joke

Ian Sia, disqualified na sa 2025 elections dahil sa ‘single mom’ joke
PHOTO : Atty. Christian Ian Sia

Disqualified na si Atty. Christian “Ian” Sia bilang kandidato sa pagka-kongresista ng Pasig City para sa Eleksyon 2025.

Ito ay matapos aprubahan ng Commission on Elections (Comelec) Second Division ang petisyon laban sa kanya na inihain ng Comelec Task Force SAFE.

Sa inilabas na desisyon noong Huwebes, May 8, kinatigan ng Comelec Second Division ang reklamo na nagsasaad na ang mga pahayag ni Sia ay hindi lamang bastos, kundi malinaw na lumalabag sa Safe Spaces Act at hindi katanggap-tanggap para sa isang taong naghahangad ng pampublikong posisyon.

Kontrobersyal na biro at sunod-sunod na Show Cause Order

Nag-ugat pagka-disqualified ni Sia sa isang campaign sortie noong nakaraang buwan kung saan pabirong sinabi nito na pwedeng sumiping sa kanya isang beses sa isang taon ang mga single mother na nireregla pa.

Aniya, “Ito ho ang ambag ko para sa mga solo parent ng Pasig. Minsan, sa isang taon, ang mga solo parent na babae na nireregla pa at nalulungkot, pwedeng sumiping sa akin. ‘Yong mga interesado, magpalista na sa lamesa sa gilid… Biro lang ho, may asawa na ako.”

Nasundan pa ito kung saan pinuna naman si Sia matapos magsalita tungkol sa pisikal na anyo ng dati niyang babaeng staff sa isa pang campaign event.

Sinabi ni Sia, “Isa lang po ang kasama kong babae, si Jaja… Payat? Ah hindi, nung nakuha ka na ni Eweng, mataba ka na… Ang point ko ho, ‘yan po ba ang magiging staff ng manyak? Di ho.”

Ian Sia, disqulified na

Umani ito ng matinding batikos mula sa publiko at nagresulta sa sunod-sunod na show cause order ng Comelec.

Sa inilabas nga na desisyon ng Comelec, pinatawan nila si Sia na ito ay disqualified na sa 2025 elections.

Ayon sa desisyon ng Comelec Second Division: “Wherefore, premises considered, the Commission (Second Division) resolved, as it hereby resolves to grant the Petition… Accordingly, Respondent is hereby disqualified from continuing as a candidate for Member, House of Representatives, Lone Legislative District of Pasig City, in relation to the 2025 National and Local Elections.”

Dagdag pa ng Comelec, kung sakaling manguna si Sia sa botohan, ang kanyang proklamasyon ay suspendido hanggang sa maging pinal ang resolusyon ng kaso.

Reaksyon ni Sia sakanyang Disqualification

Sa kanyang Facebook post, mariing itinanggi ni Sia na nagkasala siya.

Aniya, hindi raw siya nabigyan ng “procedural due process” dahil hindi siya nakatanggap ng kopya ng petisyon. 

Ikinumpara rin niya ang kanyang kaso kina Pastor Apollo Quiboloy at Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na aniya’y may mas mabigat na kasong kinahaharap ngunit hindi nadidiskuwalipika.

Aniya, “Nabasa ko po ‘yung decision, ginamit pong dahilan ‘yung diumano’y violation ng Safe Spaces Act para i-disqualify po ako. Una po, hindi ko po natanggap ‘yung kopya ng petition na dinesisyunan, therefore I was not given procedural due process. Mali po ang desisyon and COMELEC knows it kaya may colatilla ang desisyon nila na if I win they will suspend the proclamation until the disqualification case is finally resolved.” 

Dagdag niya, “Si Pastor Quiboloy nga po ay arrested for r*pe at sì Sen. Bato po ay may outstanding warrant for Oplan Tokhang, pero dahil wala pa silang final conviction sa mga kaso nila hindi sila pwedeng ma-disqualify. Pero ako po na nagbiro at walang ni r*pe at pinatay, i-didisqualify po ng COMELEC kahit wala pang naisampang kaso laban sakin, at mas lalong walang conviction, kaugnay sa sinasabing paglabag sa Safe Spaces Act.”