River Joseph, gustong palitan si Xyriel Manabat sa mga nominado

River Joseph, gustong palitan si Xyriel Manabat sa mga nominado
PHOTO : River Joseph and Xyriel Manabat

May emosyonal na pakiusap si River Joseph kay Kuya na siya na lamang ang ma-evict imbes na ang kapwa Kapamilya star na si Xyriel Manabat.

Xyriel Manabat’s PBB Journey

Matatandaang si Xyriel ay pumasok sa Bahay ni Kuya noong April 13 lamang kasama si Shuvee Etrata.

Ikinuwento ni Xyriel na mula sa pagiging child star, bumalik siya sa spotlight sa pamamagitan ng PBB, dala ang panibagong lakas at determinasyong patunayan ang kanyang sarili.

Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, wala pa mang isang buwan sa loob ng Bahay ni Kuya ay kabilang agad si Xyriel sa mga nominado para sa eviction, kasama ang ka-duo niyang si Dustin Yu. 

Kasama rin sa listahan ng mga nominado ang pares nina Shuvee-Bianca de Vera at Josh Ford-Ralph de Leon.

Dahil dito, hindi na napigilan ni River ang kanyang damdamin. 

River Joseph, Handang Iligtas si Xyriel Manabat sa Eviction

Sa isang masinsinang pag-uusap kay Kuya, mariin niyang inihayag ang kagustuhang mapalitan si Xyriel sa listahan ng mga nominado.

Ayon kay River, masakit para sa kanya na makita si Xyriel na nanganganib maalis sa loob ng bahay gayong tatlong linggo pa lang ito sa kompetisyon. 

Naniniwala siyang marami pa itong maipapakita at may malalim na dahilan kung bakit sumali si Xyriel sa programa—lalo na para sa kanyang pamilya. 

Dahil dito, handa siyang isakripisyo ang kanyang puwesto upang mabigyan ng mas mahabang pagkakataon ang kapwa niya housemate.

Aniya, “Alam ko, medyo long shot ‘to. Medyo, di ko alam kung posible. Pero, tatanong lang sana ako kung posible ba – i-trade ko yung spot ko kay Xyriel sa nomination? Kapamilya for kapamilya. Kuya, sakit lang makita na she is on the line for eviction.”

Dagdag niya, “She’s only been here for 3 weeks, Kuya. I know she has a lot pa to prove. I know she has so many reasons why she’s here – syempre, for family. I don’t want her to be in this position na close to leaving. Alam ko, sobrang lakas ni Xyriel – kaya nya ‘to. Pero, I’d rather sacrifice myself for her, Kuya.”

Gayunpaman, tinanggihan ni Kuya ang hiling ni River, at sinabing kailangang harapin ni Xyriel ang hamong ito at matuto mula rito.

Sa kabila nito,  Umani ng papuri mula sa netizens ang ginawa ni River. 

Marami ang humanga sa ipinakitang malasakit niya kay Xyriel, na nagpapatunay ng kanyang kabutihan.