Vendors Partylist ni Diwata, ligwak sa election 2025

Vendors Partylist ni Diwata, ligwak sa eleksyon
PHOTO : Diwata

Hindi pinalad na makapasok sa kamara ang Vendors Partylist ni Deo Balbuena o mas kilala bilang Diwata pagkatapos ng midterm election.

Ang Vendors Party-list ni Diwata ay naligwak matapos itong mabigong makakuha ng sapat na boto sa katatapos lang na May 12, 2025 elections.

Sino si Diwata?

Si Diwata ay isang kilalang online personality at street food vendor na sumikat dahil sa kanyang Paresan at viral social media videos. 

Kasunod ng pagsikat ng kanyang paresan, naghain ng kanyang kandidatura si Diwata bilang 4th nominee ng Vendor’s Partylist.

Sa kanyang pagtakbo, layunin daw nitong itaguyod ang karapatan at kabuhayan ng mga small vendor sa bansa tulad niya.

Diwata sa pagkatalo ng Vendor’s Party-list

Ngunit ‘nilangaw’ sa botohan ang party-list ni Diwata.

Base kasi sa partial at unofficial results ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes ng gabi, May 13, pumwesto lamang sa ika-110 ang Vendor’s Party-list mula sa 177 party-list groups. 

Nakakuha lamang ito ng 85,290 na boto, o katumbas ng 0.21% ng kabuuang party-list votes, malayo sa kinakailangang bilang para makakuha ng puwesto sa Kongreso.

Hindi naman maiwasang malungkot ni Diwata sa kanilang pagkatalo.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Diwata na ang pagkatalo ng grupo ay pagkatalo rin ng buong bansa.

Aniya, “Ang pagkatalo ng Vendor’s Party-list ay pagkatalo ng buong Pilipinas.” 

Reaksyon ng Netizens

Ngunit marami ang hindi sumang-ayon sa pahayag ni Diwata.

Isa na rito ang kapwa niya social media personality na si Rendon Labador na bumuwelta sa social media at sinabing mas mabuti na raw na hindi nanalo si Diwata dahil baka isa pa itong dagdag na problema.

Suportado raw nila si Diwata sa kanyang paresan, ngunit hindi sa Kongreso.

Aniya, “Masaya ang lahat dahil hindi ka nanalo, isa ka pang sakit ng ulo namin kapag nagkataon. Dami na nga problema dadagdag ka pa e Dito ka nalang sa Paresan mo, support ka namin”

Ayon naman sa ilang netizen, masyado raw nagtitiwala si Diwata sa kasikatan niya kaya pinasok ang politika. 

Ilan pa nga ay nagsabing mayabang umano ito, kaya hindi karapat-dapat suportahan.

Matatandaang naging malaking isyu ang umano’y pagbabago ng ugali ni Diwata, kung saan marami ang nagsabing tila “lumaki ang ulo” nito matapos sumikat ang kanyang paresan.

Marami rin ang nagsabing tila na-“back to you” si Diwata matapos niyang sabihin noon sa isang fan na gustong magpabati sa kaarawan na, “Lilipas din ’yan.”

At gaya ng kanyang kasikatan—lumipas nga rin ito.