Yanna Motovlog, takot lumabas ng bahay dahil sa death threats

Yanna Motovlog, takot lumabas ng bahay dahil sa death threats
PHOTO : Yanna Motovlog

Ayon sa abogado ni Yanna Motovlog, hindi nakarating ang vlogger sa LTO dahil sa mga seryosong banta o death threats sa kanyang buhay.

Kung ating babalikan, umani ng samu’t saring reaksyon mula sa netizens ang dahilan ng hindi pagdalo ni Alyanna Mari Aguinaldo, o mas kilala bilang Yanna Motovlog, sa Land Transportation Office (LTO) hearing noong May 6, kaugnay ng kinasasangkutan niyang viral road rage incident sa Zambales.

Sino si Yanna Motovlog?

Isa si Yanna sa mga motovlogger sa bansa na naglalabas ng mga contents tungkol sa pagmomotorsiklo. 

Ngunit kamakailan ay binatikos siya matapos makuhanan ng video na nakikipagtalo at nagmumura sa kalye. 

Sa nasabing footage, makikitang minura at binigyan pa niya ng ‘dirty finger’ ang nakaalitang driver ng pick up na si Jimmy Pascua matapos umano siyang muntikang masagi.

Ngunit base sa imbestigasyon, lumalabas na si Yanna ang may pagkukulang sa insidente.

Dahil dito, naglabas ng ‘show cause order‘ ang LTO para pagpaliwanagin siya kung bakit hindi dapat kanselahin ang kanyang lisensya. 

Death threats kay Yanna Motovlog

Ngunit tanging ang kanyang abogado lamang ang dumalo sa hearing na ginanap sa opisina ng LTO sa Quezon City.

Dumalo naman sa pagdinig ang nakaalitan niyang driver na si Jimmy Pascua.

Ayon sa kanyang abogado, hindi nakarating si Yanna sa pagdinig dahil sa mga seryosong banta sa kanyang buhay at seguridad.

Matatandaang matapos mag-viral ang video ng alitan nila ni Jimmy, nakatanggap umano si Yanna ng sunod-sunod na death threats, pambabastos, at paninirang-puri online.

Sa halip na humarap, nagpadala si Yanna ng sulat ng paghingi ng tawad kay Jimmy.

Inatasan ng LTO si Yanna na isuko ang kanyang lisensya at iharap ang kanyang motorsiklo sa susunod na hearing sa May 8.

Samantala, tuloy ang plano ni Jimmy na magsampa ng kaso laban kay Yanna dahil sa umano’y perwisyo at paglabag sa kanyang karapatan.

Patuloy ang paalala ng LTO sa publiko na pairalin ang disiplina at respeto sa kalsada.